Ako’y naniniwala na ang bawat indibidwal ay may kani-kaniyang istilo at pamamaraan kung papaano dadalhin ang sarili sa pamamagitan ng kanilang mga damit at ng mga palamuting ilalagay nila sa kanilang katawan. Ngunit mayroon mang iisang pinanggagalingan ang istilong ito, ang impluwensya ng makabagong teknolohiya ang makapagdidikta kung ano ang maganda, uso at patok sa lipunan. Ito ang nagiging instrumento upang maihayag sa kamalayan ng tao ang maganda at pangit na fashion. Mag-aambag ito ng matindi at kapakipakinabang na konsepto sa kung ano ang nararapat at hindi nararapat sa isang partikular na panahon. Kaya nasa sa atin kung papaano ba natin dadalhin ang ating sarili at kung papaano ba natin tatanggapin ang iminumungkahi at inihaharap sa atin ng midya.
Wednesday, April 8, 2009
Epekto ng Midya sa “fashion trends”
by Abigail Ringor
Kasabay ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya ay ang patuloy na paglaganap ng iba’t ibang porma ng midya hindi lamang sa mga partikular na bansa kundi sa halos lahat ng panig ng mundo. Sa kasalukuyan marami na ang “expose” at pamilyar sa makabagong teknolohiya na ito lalo na ang mga kabataan. Hindi lamang impormasyong intelektwal ang ibinibigay nito kundi inaapektuhan din nito ang moral, pisikal, emosyonal, ispiritwal nating kalagayan dahil aminin man natin o hindi mabilis tayong maniwala sa kung ano ang isinulat, ipinahayag at ipinalabas ng pahayagan, internet, telebisyon at iba pa. Samakatwid, masasabing isa ang midya sa may pinakamalaking impluwensya sa mga nagiging kilos at pag-uugali ng mga kabataan. Kung pag-aaralan, bata man o matanda ay hindi nahuhuli sa mga nauusong salita, gayak, ugali at pamumuhay dulot ng mga nakikita sa telebisyon, radyo at sari-saring babasahin. Mabilis nilang naiaangkop ang mga paraan at istilong nakita sa kanilang pamumuhay at kung minsan kahit hindi na ayon sa kanilang pagkatao at hindi tumutugma sa estado ng pamumuhay ngunit dahil ito ang takbo ng modernong panahon ay pinipilit nilang makibagay. Kaya hindi nakapagtataka kung ang mga paraan ng pananamit at ayos nina Kris Aquino, Ruffa Guttierez, Billy Crawford at ng kung sinu-sino pa mang mga artista at mga Hollywood stars ay masasaksihan na rin sa paraan ng paggayak ng mga ordinaryong tao sa ating lipunan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment